MGA OPISYAL NG PAMAHALAANG BAYAN NG STO. TOMAS BUMISITA SA KONGRESO

IMG_0598

Sanib pwersa sa pagbisita sa Kongreso ang mga opisyal ng Pamahalaang Bayan ng Sto. Tomas sa pangunguna ni Mayor Edna P. Sanchez, Vice-Mayor Ferdinand Ramos, Hon. Cresenciano Ramos, Jr., Hon. Renante V. Arcillas, Hon. Primo Bathan, Hon. Danilo Mabilangan at Hon. Alexander Guevarra noong Pebrero 11, 2015. Dinayo nila ang opisina ni Congressman Nelson Collantes, representative ng 3rd District ng Batangas upang kumunsulta kaugnay ng House Bill sa pagiging siyudad ng Sto. Tomas.

IMG_0659

Ang House Bill na ipinasa ni Cong. Collantes ay kasalukuyang nasa Local Government Committee sa Mababang Kapulungan. Hinihintay na lamang na maikalendaryo ang House Bill para talakayin sa Committee Level. Chairman nito si Congressman Pedro Acharon, Representative ng 1st District ng South Cotabato.

Kasama sa pagbisita ang ilan sa mga Department Head ng Pamahalaang Bayan. Pinagusapan sa isang pribadong pulong sa opisina ni Cong. Collantes ang mga hakbangin na dadaanan ng house bill bago pumasa sa plenaryo. Kinakailangan ng puspusang pag-lobby sa Kongreso upang mahikayat ang mga kongresista na ipasa ang bill.

Inaasahan na babalik ang mga opisyal ng pamahalaang bayan sa Kongreso upang dumalo sa mga Committee-Level hearings ng house bill.

 

 

 

 

Advertisements

MT MAKILING BUFFER ZONE INFORMATION CAMPAIGN ISINASAGAWA BILANG GABAY SA MGA MAMAMAYAN TUNGKOL SA TAMANG PAGGAMIT NG LUPAIN SA PALIGID NG MAKILING

Isinagawa noong Pebrero 2015 sa Sto. Tomas Municipal Audio Visual Room ang Information Campaign tungkol sa Mt Makiling Buffer Zone. Ito ay kaalinsunod na rin ng Proclamation No. 1257, s. 1998 o ang “DESIGNATING CERTAIN AREAS SURROUNDING THE MAKILING FOREST RESERVE AS BUFFER ZONE AND PRESCRIBING GUIDELINES THEREOF”. Idineklara noon ni Pangulong Fidel Ramos ang mga lugar mula sa 18 % slope papunta sa hangganan ng Makiling Forest Reserve (MFR) bilang buffer zone.

Ayon sa batas, bilang buffer zones, ang mga lugar na ito ay may mga regulasyon tungkol sa pagtatayo ng mga establisyimento at pagsasagawa ng mga aktibidad gaya ng pagtatanim at pag-aalaga ng hayop.

Ang information campaign ay isinasagawa para sa mga Local Government Unit, mga indibidwal, mga may-ari ng negosyo at iba pang sektor ng lipunan ng mga bayan na nakakasakop sa Mt Makiling sa mga lalawigan ng Batangas at Laguna.

Ayon sa batas, ang mga pinapahintulutan lamang na mga aktibidad sa forest reserve ay ang mga sumusunod: (1) mga proyektong hindi nakakasira sa kalikasan gaya ng orchidarium, ecological center, research at development project, (2) Mga aktibidad na hindi gasino nakakasira sa kalikasan gaya ng agro-forestry, reforestation, eco-tourism, production forest, protection areas at small-scale livelihood projects at (3) low density residential house, commercial building at outdoor recreation establishment.

Ipinagbabawal ang mga aktibidad na magdudulot ng toxic at hazardous na mga material alinsunod sa Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Waste Control Act of 1990 at Presidential Proclamation 2146. Kung may mga establisyimento na nakatayo na bago inilabas ang batas na ito, maaari silang pahintulutan na manatili ngunit hindi na maaaring palawakin pa.

Ilan sa mga ahensya na nagtutulung-tulong upang ipatupad ang batas ay mga LGU, Department of Environment and Natural Resources, University of the Philippines Los Banos, Mt. Makiling Reserve Area and Laguna de Bay Commission, Laguna Lake Development Authority at Office of the President.

 

HONDA PHILIPPINES INC. NAGKALOOB NG LIMANG MOTORSIKLO SA STO. TOMAS PNP AT TRAFFIC MANAGEMENT SECTION

Dinayo ng mga opisyal ng HONDA Philippines Inc ang Pamahalaang Bayan ng Sto. Tomas upang magkaloob ng Honda Wave Motorcycle sa Sto. Tomas PNP at Traffic Management Section noong Pebrero 9, 2015.

Mula sa HONDA dumating sina Gene Paralisan (Asst VP, Safety Riding & Institutional Sales Division), Atty. Joseph Adamos (Manager, Corporate Affairs), Mr. Joy Quiniquini (Manager, External Affairs) at Ms Stephanie Kinkito (Supervisor, Corporate Social Responsibility). Mula sa panig ng Pamahalaang Bayan, dumalo sina Mayor Edna P. Sanchez, Vice Mayor Ferdinand Ramos, Municipal Administrator Atty Arth Jhun Marasigan, P/Supt Palaleo Addag (Sto Tomas PNP) at Mr. Norlan Puno (Traffic Management Section). Sa harap ng mga empleyado ng munisipyo isinagawa ang turn over ceremonies ng mga motor. Bilang pasasalamat ay binigyan ng Certificate of Appreciation ang mga taga HONDA.

Ang tatlo sa mga motorsiklo ay ikakaloob sa PNP habang dalawa naman sa mga ito ay ibibigay sa Traffic Management Section. Ang proyektong ito ay initiative ng Office of the Mayor sa ilalim ni Hon Edna P. Sanchez bunga ng mga pakikipagpulong kasama ang HONDA.

Sa pananalita ni Mayor Sanchez ipinahayag niya ang kanyang pasasalamat sa HONDA. Malaking tulong ang mga motorsiklo na dagdag sa kapabilidad ng pulis at traffic enforcers na ipatupad ang mga batas sa bayan. Mula sa panig ng PNP at Traffic Management Section, kanilang siniguro na iingatan ang mga kagamitang ito ng pamahalaan.

MGA LIBRO PARA SA HIGH SCHOOL IBINIGAY SA STO. TOMAS SA PAMAMAGITAN NG SANGGUNIANG BAYAN

Sa pamamagitan ng Resolusyon ni Konsehal Primo Bathan ng Committee on Education sa Sangguniang Bayan, nabigyang daan ang pagbibigay ng libro para sa mga kabataang Tomasino. Ang mga libro ay nagmula sa Children International Philippines, isang non-government organization na nagpapalaganap ng kahalagahan ng pagbabasa para sa mga bata.

Dumating sa Sto. Tomas at pansamantalang inihabilin sa CIBAC Building ng Poblacion II ang mga libro habang inaalam pa kung saan maaaring ibigay ang mga nasabing libro base sa pangangailangan ng mga high school sa bayan.

Ayon sa Sangguniang Bayan, nakapagbigay na ng 19,926 na piraso ng mga libro sa mga pampublikong paaralan sa Taguig City.  Minabuti nila na humiling sa Ang mga libro na ibinigay sa Sangguniang Bayan ay kinabibilangan ng mga asignaturang Mathematics, English, Science at General Reference.

IBA’T-IBANG SEKTOR NG LIPUNAN SA STO. TOMAS NAGPAHAYAG NG MGA KATANUNGAN TUNGKOL SA PAGIGING LUNGSOD NG BAYAN

Matibay ang naging pahayag na binitawan ni Vice Governor Marc Leviste sa idinaos na sesyon ng Provincial Board ng Batangas sa Municipal Audio Visual Room ng Sto. Tomas, Batangas noong Pebrero 4, 2015. Ayon sa Bise Gobernador, sinusuportahan niya sampu ng kanyang mga kasamang bokal noong araw na iyon ang pagiging ganap na siyudad ng bayan ng Sto. Tomas.

Kasama sa mga dumalong Bokal ng lalawigan sina Bokal Divina Balba, Bokal Alfredo Corona, Bokal Mario Vittorio Marino at Bokal Amado Carlos Bolilia IV. Sila ay kabilang sa bumubuo sa Provincial Board o Sangguniang Panlalawigan ng Batangas. Kanilang dinala sa bayan ng Sto. Tomas ang nakatakdang public hearing upang dinigin ang mga hinaing ng mga iba’t-ibang sektor ng bayan gaya ng sa mga may-ari ng pribadong industriya, mga paaralan, mga Kapitan ng barangay at iba pang stakeholder.

Dumalo rin sa hearing ang mga opisyal ng Pamahalaang Bayan sa pangunguna ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan at ni Municipal Administrator Atty Arth Jhun A. Marasigan. Mula naman sa iba’t-ibang sektor ay dumalo ang mga kinatawan ng Light Industry Science Park, First Philippine Industrial Park, St. Thomas Academy, Polytechnic University of the Philippines at St Frances Cabrini Medical Center. Dumalo rin ang mga representante ng mga samahan ng kababaihan at magsasaka.

Tinalakay sa hearing ang pagpasa ng Sto. Tomas sa mga rekisito ng pagiging ganap na siyudad at kasalukuyan na nasa Kongreso na sa mababang kapulungan ang House Bill. Malaking tulong ang naging mga pahayag ni Bokal Corona kaugnay ng kaniyang karanasan bilang unang City Mayor ng Tanauan. Ikinuwento niya ang kaniyang mga naranasan noong nasa proseso pa lamang ng pagiging lungsod ang Tanauan. Palagian umano ang kanilang pagbisita sa Kongreso kung saan ay nag-lobby sila upang madinig agad ang kanilang House Bill. Hinihikayat ng Bokal ang mga taga-Sto. Tomas na tutukan ang House Bill sa Kongreso upang maagang makalendaryo sa mga sesyon.

Malaking isyu naman ang epekto ng pagiging siyudad sa halaga ng buwis na sinisingil. Pinasinungalingan ni Atty Marasigan ang mga haka-haka na tataas ang buwis agad-agad sa pagiging siyudad ng Sto. Tomas. Ayon sa kanya, may moratorium sa pagtataas ng buwis na limang taon mula sa huling pagtaas nito. Huling nagtaas ng buwis sa Sto. Tomas noong 2013. Kaya kung magtataas man ay sa taong 2018 na ito. Marami rin umanong mga dapat isaalang-alang sa pagtataas ng buwis  kaya hindi ito basta aaprubahan ng Pamahalaang Bayan kung hindi talaga kailangan.

May mga nagpahayag ng agam-agam na makakalimutan na ng Provincial Government ang Sto. Tomas kung ito ay lungsod na. Tiniyak naman ng mga Bokal na nasa public hearing na hindi pababayaan ng Provincial Government ang Sto. Tomas kahit na maging lungsod na ito. May mga proyekto ng pamahalaang panlalawigan na nakalaan din sa mga lungsod sa Batangas gaya ng Tanauan, Lipa at Batangas City. Kung sakaling maging lungsod ang Sto. Tomas ay ganito rin ang gagawin ng probinsya.

Mula sa FPIP at LISP, tiniyak nila na inuuna ang mga taga-Sto. Tomas sa kumpetisyon sa mga trabaho dahil na rin sa mga benepisyo gaya ng matipid na shuttle service para sa mga empleyado dahil malapit lamang ang pagtatrabahuhan at madali rin natatawagan kung kailangan sa opisina o pabrika.

Hinikayat naman ng St Frances Cabrini Medical Center ang Pamahalaang Bayan na tutukan rin ang pagpapaunlad sa turismo upang mapaunlad pa ang Sto. Tomas. Mapapansin na unti-unti nang nakikilala ang bayan dahil na rin sa mga establisyimento na itinatayo sa kahabaan ng Maharlika Highway.

Sa huli ay maganda ang ugnayan na ipinamalas ng Provincial Board at Pamahalaang Bayan ng Sto. Tomas kaugnay ng pagiging lungsod nito. Hindi man mandatory requirement ang resolusyon ng provincial board, malaking tulong pa rin kung ito ay maisasama sa mga dokumento na isusumite sa Kongreso.

TODA MEETING NG STO. TOMAS, PINAG-USAPAN ANG PAGKAKABIT NG MGA INFORMATIONAL MATERIAL SA MGA TERMINAL KONTRA ABUSADONG DRIVER

Inimbitahan ang Public Information and Promotion Division sa pulong kaugnay ng paglalagay ng mga informational material sa mga terminal ng tricycle sa buong Sto. Tomas kontra sa mga abusadong gawi ng ilang driver. Ginanap ito Enero 30, 2015 sa Association of Barangay Captains office sa panguguna nina ABC President Wilfredo Maliksi, Konsehal Renante V Arcillas, Traffic Management Section Head Norlan Puno at Business Permit Licensing Office Head Ludivina Mendoza.

Sa pulong na dinaluhan ng iba’t-ibang representante ng mga TODA sa buong bayan, ipinaliwanag kung bakit dapat maglagay ng mga informational material sa mga terminal. Ito ay upang magkaroon ng channel ang mga mananakay upang magbigay ng mga reaksyon o sumbong kaugnay ng pamamalakad ng iba’t-ibang TODA sa bayan.

Iminungkahi ni PIO-ICO Stephanie Manacop na isaad sa mga binabalak na material ang mga fare matrix ng mga TODA maliban sa mga by-laws ng mga TODA upang magabayan ang mga mananakay. Ilan sa mga sumbong na nakakarating sa ABC Office ay ang labis na paniningil ng pamasahe at pamimili ng mananakay. Ayon naman kay Konsehal Arcillas, makakatulong na maraming hotlines na maaaring pagsumbungan ang mga tao kaugnay ng mga sumbong sa mga TODA na aabuso.

Sa pagdalo naman ni TMS Head Puno ipinaalala niya sa mga driver na tiyakin ang pagpaparehistro ng mga sasakyan at pagbabayad ng permit upang makaiwas sa paghuli ng kanyang opisina.

Buwanan na isinasagawa ang nasabing pulong upang talakayin ang mga hinaing hindi lamang ng mga mananakay kung hindi maging mga driver.

LIGA NG MGA BARANGAY NG STO. TOMAS PANALO SA INVITATIONAL BASKETBALL GAME KONTRA SA LIGA NG MGA BARANGAY NG TANAUAN CITY, 86-94

Noong Enero 30, 2015 inimbitahan ng Liga ng mga Barangay sa Tanauan City ang Liga ng mga Barangay sa Sto. Tomas sa isang basketball game kaalinsabay ng TODA CUP 2015 o laro ng mga koponan mula sa iba’t-ibang TODA Tricycle Drivers Association sa Tanauan City.

Sa pangunguna ni ABC President Wilfredo Maliksi ng Sto. Tomas at ABC President Mark Lumbres Fajardo ng Tanauan City, isinagawa nag friendly match kasama ang mga kakamping mga kapitan ng barangay. Sa panig ng Sto. Tomas, naglaro sina: Kapitan Nilo Sarmiento, Kapitan Jay Oloc-oloc, Kapitan Edwin Mendoza, Kapitan Ferdinand Ramos Jr, Kapitan Jerry Masajo, Kapitan Victor Bathan, Kapitan Darwin Mendoza at Kapitan David Garcia. Nagpakitang-gilas ang Team “D Captains” ng Sto. Tomas mula pa sa unang quarter ng laro hanggang sa katapusan.

Isinabay ang match sa TODA CUP 2015 na kinatampukan din ng mga serye ng laro sa pagitan ng mga TODA sa buong lungsod ng Tanauan. Naroon din sa araw ng laro si Mayor Tony Halili upang magpasalamat sa mga dumalo lalo na sa mga bisita galing sa Sto. Tomas.

Ang friendly match ay ginawa upang pagigtingin ang pagsasamahan sa pagitan ng mga Kapitan ng dalawang magkalapit lugar.

MGA MAGULANG SA STO. TOMAS, DUMALO SA ORIENTATION TUNGKOL SA RABIES

Kaugnay ng patuloy na kampanya ng Pamahalaang Bayan ng Sto. Tomas kontra sa rabies o virus na nakamamatay sa tao, ginanap ang orientation para sa mga magulang ng Sto. Tomas North Central School noong Enero 29, 2015 sa pangunguna ng Provincial Health Office Rabies Coordinator.

Dinayo ng Provincial Health Office sa pangunguna nina Daisy Dalisay at Jocelyn Capuno ang bayan ng Sto. Tomas upang magbigay ng impormasyon tungkol sa rabies virus na nakukuha mula sa kagat ng aso, pusa at unggoy. Sumuporta rin ang Office of the Mayor sa pamamagitan ni Dr. Pedrito Mayuga ng Municipal Health Office at Municipal Agriculturist Ofelia Malabanan. Maluwag na tinanggap ng punung-guro ng paaralan na si Principal Glenda Mendoza ang mga magulang at opisyal ng pamahalaan na dumalo.

Nagpalabas ng audio visual presentation ang mga taga Provincial Health Office tungkol sa mga sintomas ng rabies virus sa tao. Ipinakita ang mga aktuwal na video ng mga namatay na pasyente sa San Lazaro Hospital. Ipinakita ang malaking pagbabago sa pag-uugali ng mga nakagat ng mga hayop na may rabies.

Ayon sa estadistika ng Provincial Health Office nangunguna ang Laguna sa bilang ng mga kaso ng mga nakagat ng aso. Pumapangalawa naman ang Cavite at pangatlo ang Batangas. Sa Sto. Tomas, malaki naman ang porsyento ng mga tinuturukang aso.

Hinikayat ang mga magulang na buksan ang komunikasyon sa mga anak upang sa gayon ay malayang makapag-sabi ang mga ito kung sakaling makagat ng aso. Ayon kay Dalisay, ito ang pangunahing sanhi ng kapabayaan ng mga magulang na huli nang naisusumbong sa kanila ang kagat ng aso. Dahil dito huli na kadalasan at hindi naaagapan ang mga ganitong pangyayari.

Ang orientation ay pagpapatunay ng mahigpit na ugnayan ng pamahalaang bayan at lalawigan upang tumugon sa pangangailangan ng mga taga-Sto. Tomas.

ABOITIZ POWER RENEWABLES INC. NAGBIGAY NG LIBRONG PAMBATA SA MGA DAY CARE CENTER SA STO. TOMAS, BATANGAS

10411863_1533600833565690_8139727374696840675_n 10943879_1533600996899007_5982821967949190570_n 10945692_1533600920232348_5644821356036536602_n

Nitong Enero 22, 2015 pumunta ang mga pinuno at empleyado ng Aboitiz Power Renewables Inc. sa munisipyo ng Sto. Tomas upang magbigay ng mga librong pambata sa mga day care centers ng 30 barangay sa bayan.

Tinanggap ni Municipal Administrator Atty. Arth Jhun A. Marasigan  ang mga libro bilang kinatawan ni Mayor Edna P. Sanchez. Kasama rin ang mga kawani ng Municipal Social Welfare and Development.  Mula sa panig ng Aboitiz Power dumating sina Wesley Briola (CSR Supervisor-outgoing), Richelle Pawig (CSR Specialist), Sharmaine Aquino (Accountant), Olga Sevilla (Accountant) at Jessie Cubijano (CSR Supervisor-incoming).

Ang mga librong ibinigay ay makakatulong sa mga kabataang nag-aaral sa mga day care center sa buong Sto. Tomas.

MGA KABATAANG TOMASINO, HINIKAYAT NA UMIWAS SA SAKIT NA KANSER SA ISANG SEMINAR

10915189_1533579186901188_5627977486264488365_n 10931157_1533578546901252_5916401539499420211_n 10952123_1533578866901220_6060351286568717269_n

Iwasan ang sakit na kanser. Ito ang mensahe ng Cancer Awareness Seminar na idinaos ng Pamahalaang Bayan ng Sto. Tomas sa pakikipagtulungan ng Andres Soriano Foundation, Inc at University of the Philippines-Philippine General Hospital. Ito ay ginanap noong Enero 22, 2015 sa San Pedro National Highschool.

Suportado ang programa ni Mayor Edna P. Sanchez. Dumalo si Ms. Greta Guevarra ng Office of the Municipal Administrator. Naging panauhin din ang mga doctor mula sa iba’t-ibang institusyon. Nagbigay ng mga pananalita sina Dr. Jorge Ignacio ng UP-PGH Cancer Institute, Dr. Doris Velasco isang Laryngeal Oncologist at Dr. Florentino Afable ng St. Frances Cabrini Medical Center.

Masayang nagtanong at nakilahok sa seminar ang mga kabataan sa SPNHS. Ayon sa mga doktor na nagsalita sa seminar, marapat na iwasan na ang mga bagay na garantisadong nagsasanhi ng sakit na kanser gaya ng paninigarilyo at labis na pagkain ng mga inihaw. Dapat na rin gawin ang mga bagay na ika-iiwas sa kanser gaya ng paglalagay ng sunblock at sunscreen.

Malaking bagay ang isinagawang seminar upang maikintal sa isip ng mga kabataang Tomasino ang kahalagahan ng pag-iwas sa sakit na kanser. Ang kanser ay isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkamatay hindi lamang sa Pilipinas kung hindi maging sa ibang panig ng mundo.